Letters (9): From Manang Fe with Love

A/N:  Thanks to all those who read Letters (8): To Ate Maya with Love.

Here’s letter #9. It’s from Manang Fe this time around.  

This is part of the Letters series: 1, 2, 3, 4, 5, 6, 7, & 8.

This letter was inspired by BCWMH episodes last July 18, 19, and 22, 2013. Manang Fe writes a letter to his ward, his “son” Ricardo, to remind him not to worry and to reassure him that everything will be alright…

Happy reading, everyone!

Like all of you, I am already excited to see how Maya fares in her lunch date with her soon to be mother-in-law, Donya Esmeralda! I can’t wait to see today’s episode (July 23, 2013) and hear her endearing punchline to Richard’s “Kinakabahan ka? You look pretty confident kanina nung sinabi mong sasama ka.”

“PRETTY lang. Hindi confident, Ser Chief!” Haha!

Author: iamgarie

 ~*~

 FROM MANANG FE WITH LOVE

By iamgarie

Mahal kong Ricardo,

Sana maibigay ko itong sulat na ito sa yo bago ka matulog ngayong gabi para mabasa mo at mabawasan man lang ang mga ikinababahala mo. Sa mga oras na ito, nasa kwarto pa ni Abby kayong dalawa ni Maya. Kamusta si Abby? Sana bumubuti na ang pakiramdam niya… Si Luke at si Nikki ay nasa mga kwarto na nila at naghahanda nang matulog. Si Joma at si Sabel ay dali-daling lumabas kani-kanina lang dahil nagpapahanap ang Mama mo ng freskong oregano para kay Abby. Isasabay ko na lang ang sulat na ito sa paghatid ko ng kape mo mamaya.

Dama ko ang saya mo sa pagdating ng Mama at Papa mo. Matagal-tagal mo na rin kasing hindi sila nakakasama. Maging ang mga bata tuwang-tuwa sa pagdating ng Lolo’t Lola nila. Sinong mag-aakala na kakatapos pa lang ng kasiyahan natin nang nakaraang Sabado at Linggo, ay may kasiyahan na namang magaganap dito sa mansyon sa biglaang pagbisita ng Mama at Papa mo?

Pero kilalang-kilala na kita, Ricardo. Bata ka pa lang tayong dalawa ang madalas magkasama at magkausap. Masaya ka man, naramdaman ko rin kaagad ang kaba mo nang paglapit at pagbulong mo sa kin kahapon para sabihin na nandito sina Don Robero at Donya Esmeralda dahil kay Maya. Wag kang mag-alala, Ricardo. Natural lang sa bawa’t magulang na kilalanin ang mahahalagang tao sa buhay ng anak nila. Ikaw man hindi ba? Date pa lang ni Nikki sa prom noon, hindi pa nga siya manliligaw ni Nikki, eh ginusto mo na agad siyang makilala, diba?

Hindi pa kilala ng Mama at Papa mo si Maya kaya normal lang na gusto nila siyang makilala. Walang magulang ang magnanais na mapasama ang kanilang anak. Sa mata ng Mama at Papa mo, mananatili kang isang batang musmos na kailangan pa rin ng gabay nila. Gusto nilang makilalang mabuti si Maya dahil gusto nilang makasiguro na mapapabuti ka at ang mga anak mo sa pagpasok ni Maya sa buhay mo. Wag mo nang masyadong isipin ang mga bagay-bagay, Ricardo. Magtiwala ka lang. Wala pa akong nakilalang tao na di nagustuhan o di minahal si Maya.

Mahal na mahal na ng mga anak mo si Maya. Tanggap na tanggap nila si Maya bilang babaeng pinakamamahal mo. Kung makikita ng Mama at Papa mo kung gaano ni Maya kamahal ang mga bata at kung gaano rin siya kamahal ng mga bata ay malaking puntos na yun para kay Maya. Pakiwari ko malaking bagay para sa Mama at Papa mo na makita na hindi lang ikaw ang mahalaga para kay Maya, pero maging mga anak mo ay pinapahalagahan din niya.

Alam kong napadagdag pa sa isipin mo ang pagkakasakit ni Abby ngayon at lubos ang iyong pag-aalala na iniisip ng Mama mo na naging dahilan nang pagkakasakit ni Abby ang pagpapaulan niya. Maging si Maya malakas ang kutob ko, ay sinisisi na ang sarili nya dahil siya ang nagkumbinse sa yo na payagan ang mga batang magtampisaw sa ulan. Ricardo, hindi makakatulong kung yan na lamang ang iisipin mo ngayong magdamag. Kailangan mo ring matulog at makapagpahinga kaya wag mo ng isipin yun.

Tuwang-tuwa ako kina Luke at Nikki kanina. Maysado silang nag-aalala para kay Maya. Lalo na si Nikki. Tila natatakot siya na baka isisi ng Lola Esmeralda niya ang pagkakasakit ni Abby kay Maya kasi. Alam mo bang kinausap pala ni Nikki ang Lola niya kahapon para lang sabihin na okay na sila ni Maya at pilit kinumbinse ang Mama mo na si Maya daw talaga ang pinakanababagay na babae para sa yo at wala ng iba.

At nang sinabayan sina Luke at Nikki ng Lolo at Lola nila sa hapunan habang pinapakain ninyo ni Maya si Abby kanina , walang ginawa ang dalawang bata kundi ibida ang Ate Maya nila sa Mama at Papa mo. Walang sawa silang nagkwento ng magangandang bagay na nagawa ng Ate Maya nila para sa kanila. Kung nakita mo lang sana sila. Matutuwa ka nang lubos. Buhay na buhay ang pagkakapit-bisig nila para kay Maya kanina. Kaya huwag ka nang mag-alala. Kaming lahat nina Doris, Sabel at Joma ay makikikapit-bisig rin para sa inyo ni Maya.

Naku bata ka, naaalala mo pa ba kung paano mo pinakitunguhan si Maya nung una niyang pagdating dito? Sinong mag-aakala na nung una kayong magkakilala puro pagdududa, galit at inis ang nasa puso mo para kay Maya? Diba pinainmbestigahan mo pa ang batang yun? Ang sarap balikan ng nakaraan ninyong dalawa talaga. Nakakatuwa kasi. Di maalis ang ngiti sa puso ko tuwing ikaw at si Maya ay sumasagi sa isipan ko. Lubos na ang kaligayahan ko, Ricardo, dahil natupad na ang matagal ko nang hinihiling sa ating Panginoon, ang makakilala ka ng babaeng mamahalin ka nang lubos, ng isang babae na tatanggapin ang lahat ng iyong napagdaanan at mamahalin sina Luke, Nikki at Abby ng sobra-sobra.

Maswerte kayo ni Maya sa isa’t-isa. Masaya ako at pinagkaloob ng Panginoon na pagtagpuin ang inyong landas. Matagal na panahon din akong nag-alala para sa yo dahil sa pagkawala ni Alex. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos walang tigil akong nanalig na darating ang panahon na makakatagpo ka ulit ng babae na magpapatibok ng puso mo. Masayang-masaya ako, Ricardo. Sa dinami-rami na ring pinagdaanan ninyong dalawa ni Maya, hindi ninyo ni minsan naisip na sumuko. Ngayon ka pa ba mag-aalinlangan? Lubos na ang pagmamahal ng tatlo mong anak kay Maya. Ramdam ko ang saya nila tuwing kasama nila si Maya. Walang mapagsidlan na ang aking kaligayahan para sa inyo ni Maya. Salamat sa Panginoon.

Sayang nga lamang at di natuloy ang hapunan ninyong mag-anak kasama si Maya ngayong gabi dahil sa pagkakasakit ni Abby. Alam kong inimbita ng Mama mo si Maya na magtanghalian sa labas bukas. Kahit wala ka para samahan silang dalawa, wag ka nang mag-alala. Magtiwala ka sa Mama mo at kay Maya. Alam ng Mama mo na mabait si Maya at palagay ko nakita na naman niya na maging si Nikki at si Maya ay okay na. Mabubuting tao sina Maya at si Donya Esmerala. Marunong rumespeto. Wag mo na masyadong isipin kung paano nila pakikitinguhan ang isa’t-isa bukas. Magtiwala ka lang, anak.

Palagay ko makabubuti ang pagbisita ng Mama at Papa mo para sa inyo ni Maya. Mas lalo nilang makikilala ng lubos si Maya. Makikita rin nila kung paano mag-alaga, mag-asikaso at magmahal si Maya sa yo at sa mga anak ko. Makikita rin nila kung gaano kasaya ikaw at ang mga bata sa pagpasok ni Maya sa buhay at puso ninyong lahat. Di magtatagal, palagay ko, maging ang Mama at Papa mo ay mamahalin din si Maya ng lubos.

Sana ay makatulong ang sulat kong ito sa yo. Magtiwala ka sa ating Panginoon, Ricardo. Pasasaan ba at magiging maayos din ang lahat.

Nagmamahal,
Manang Fe

(Written: Nighttime, July 22, 2013)

Advertisements

35 thoughts on “Letters (9): From Manang Fe with Love

  1. Pingback: Letters (13): To Mommy with Love | Excess Baggage

  2. Pingback: Why Maya is the One – Part 2 | Excess Baggage

Whatcha think?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s