Letters (17): From Nanay with Love

A/N:  This follows Letters (16): From Mamang with Love.

author: iamgarie

~*~

FROM NANAY WITH LOVE

By: iamgarie

Dear Maya,

Lubos ang aking kasiyahan para sa yo, anak!  Bukas, pormal nang hihilingin ni Richard ang iyong kamay sa akin at pati na rin kay Nanay.  Sandaling panahon na lang ‘nak at ikakasal ka na.  Masayang-masaya ako para sa yo.  Ramdam na ramdam ko kung gaano ninyo ni Richard kamahal ang isa’t-isa. Kampante ako ‘nak na liligaya kayo sa piling ng isa’t-isa.

Matagal ko ring pinagdasal na sana makatagpo ka ng lalaking lubos na magmamahal sa yo at pahahalagahan ka at ang mga pangarap mo.  At si Richard yon, ‘nak.  Unang pagkakakilala ko pa lang sa kanya nung nagpunta siya dito nung magba-Bagong Taon, nadama ko na agad na espesyal ang pagtingin niya sa yo at ganun ka din sa kanya.  At napatunayan ko namang tama ako, diba?  Ang saya-saya ko na natagpuan ninyo ang isa’t-isa.  Bagay kayo, ‘nak.  Pareho kayong mapagmahal, mapag-aruga, at ma-respeto sa pamilya, marunong magbigay halaga sa trabaho at mga kaibigan, at higit sa lahat, mahal na mahal na mahal ninyo ang isa’t-isa!  Kampante akong kahit anong mangyari, hindi kayo bibitiw sa isa’t-isa.

Bigla ko tuloy naalala ang Tatay mo nung nag-propose sa yo si Richard.  Labinlimang taon na rin mula ng iwan niya tayo, pero palagay ko, gaya ko, sumagi rin sa isipan mo ang Tatay mo.  Isa na namang espesyal na okasyon ang pinalampas at palalampasin  ng Tatay mo.  Ikakasal ka na’t lahat, wala pa rin siya.  Nasan man siya, sana patuloy niyang pinagdarasal na maging okay lang kayo parati ni Cristina Rose.  Alam mo bang nung nagpropose ang Tatay mo sa akin, wala akong ibang inisip kundi eto na yung lalaking gusto kong makasama ng habang buhay at gusto kong mahalin ng buong buhay ko? Yun lang ‘nak.  Nangyari naman, diba?  Ginawa ko naman.  Pero ewan ko lang sa Tatay mo… Bigla na lang siyang naglaho na parang bula.

Maya ‘nak.  Huwag kang malulungkot dahil hindi mangyayari sa inyo ni Richard ang nangyari sa amin ng Tatay mo.  Mahirap mang aminin pero ibang-iba si Richard sa Tatay mo.  Kailanman hindi bumitiw si Richard sa mga taong mahal na mahal niya. Ibang klase siyang ama, at sa kwento na rin ni Manang Fe, ibang klase rin siyang asawa.  Kita mo naman kung paano niya itinaguyod ang mga anak niya kahit mag-isa lang siya.  Hindi siya marunong sumuko at hindi niya tinakasan ni minsan ang responsibilidad bilang ama nina Luke, Nikki at Abby.  Isa siyang kahanga-hangang ama.  Mahal na mahal ka ni Richard, Maya.  Lubos ang kasiyahan ko para sa yo kasi alam ko na siya ang sagot ng Poong Maykapal sa matagal ko ng dasal para sa yo.

Alam kong nung umalis ka dito sa San Nicolas, may mga bitbit kang pangarap para sa sarili mo at sa aming pamilya mo.  At alam ko ring hindi mo inakala na makikilala mo si Richard at iibig ka.  Hay, anak.  Meron talagang mga bagay sa buhay natin na hindi kasama sa orihinal na plano natin.  Mag-aasawa ka na. Magkakaroon ka na ng bagong pamilya. Pamilya mo.  Tapos maiiba na ang priorities mo sa buhay mo.  Nak, merong mga bagay na kailangan mong isakripisyo.  Ganun talaga yun, ‘nak. Wag mo kaming alalahanin nina Nanay, Cristina Rose at Cho.  Masayang-masaya kami para sa iyo.  At alam din namin na kahit anong mangyari, pamilya tayo. Kapit-bisig parati. Isipin mo na lang ‘nak, sa pagpapakasal ninyo ni Richard, mas lalong lalaki ang pamilya natin, diba? Masaya yun, anak!  Nakasisiguro ako na kailanman hindi ka ilalayo sa amin ni Richard kasi mahalaga para sa kanya  ang lahat ng pinapahalagahan mo. Napakabuting tao ng mapapangasawa mo. Talagang masayang-masaya ako para sa inyong dalawa, anak.

Maya,  mabuti na rin siguro na nagkakilala na agad kami nina balae, at kahit hindi naging maganda ang simula namin, eh nagkapalagayan na rin kami ng loob.  O diba ng proposal mo bigla na lang kaming nag- kapit bisig para lang masiguro na makuha ni Richard ang engagement ring para sa yo? Mababait ang magiging biyenan mo at nadarama ko na rin kung gano ka nila kamahal.  Maging si Mamang mo naging malapit na rin kina balae, lalo na kay Donya Esmeralda.  At ngayon pa lang, kita ko na kung gaano ka pahalagahan at kung gaano ka kamahal nina Luke, Nikki, at Abby. Alam kong magiging isang masaya kayong pamilya nina Richard kasama ang mga anak ninyo. Oo, anak, hindi pa man , eh dama ko na kung gaano mo rin kamahal ang mga anak ni Richard. Alam kong pakiramdam mo na para mo na silang mga anak.  Ako man, mga apo na din ang turing ko sa kanila.  Pero siyempre ‘nak, ipangako niyo na bibigyan niyo pa ako ng maraming apo ha.  Kasi palagay ko, si Cho na lang ang magiging apo ko kay Cristina Rose eh, maliban na lang kung patnubayan tayo ng Panginoon ng isang milagro at bigla na lang maisipan ni Cristina Rose na magpakababae at amining nahulog na rin ang loob niya kay Jeff. Haha, ‘nak, ano sa palagay mo? Pwede kayang mangyari yun? Wala namang imposible, diba? Haha..

O siya, kailangan pa nating gumising ng maaga bukas para maikot ang mga simbahan dito sa San Nicolas para may mapagpilian kayo ni Richard.  Isang tulog na lang, Maya ‘nak, at ipagkakaloob ko na ang iyong kamay kay Richard.

Nak, alam ko kilig na kilig ka na sa kakaisip sa magiging mga kaganapan bukas, pero kalma lang, Maya.  Matulog ka muna para makapagpahinga ka ng maayos.

Maya, lagi mong tatandaan, mahal na mahal ka ni Nanay ha. Nandito lang ako parati para alalayan ka.

*******

Isang buwan na pala ang nakalilipas mula ng ginawa ko ang sulat na ito, at di ko pa rin naiiaabot sa yo.  Ngayon ko lang nakita ito sa mga gamit ko. Ang dami ng nangyari ‘nak.  Lubos ang kasiyahan nating lahat ng gabing mamanhikan si Richard at ang buong pamilya niya.  Sinong mag-aakala na sa sunod na araw naman eh matinding kalungkutan naman ang pagdadaanan natin sa paglisan ni Mamang?  Maya ‘nak, mahirap pa rin paniwalaan na talagang wala na si Nanay, pero pinipilit ko, anak.  Alam ko ding hindi gugustuhin ni Nanay na manatili tayong malungkot.

Maya, ‘nak, kakatawag lang ni Richard kay Cristina Rose. Nasa ospital ka daw at may dengue.  Inaayos na ni Cristina Rose ang ticket ko para makalipad ako kaagad diyan sa Maynila.  ‘Nak, sana sinabi mo agad sa kin  na maysakit ka para mapuntahan kita agad diyan. Nilalagnat ka na pala nung huli tayong magkausap, hindi ka pa nagsabi.  Sana di ka na muna nag-abala na mag-ayos ng mga tickets para sa pagpunta natin sa Bohol.  Pwede naman nating ipagpaliban na muna yun, anak.  Ang importante gumaling ka muna.

Ipagdadasal ko na gumaling ka agad, nak. Sana makakuha agad ng ticket si Cristina Rose para sa kin at nang masamahan na kita agad diyan.

*******

Salamat sa Diyos, kahit nasa ICU ka pa, eh medyo bumubuti na ang kalagayan mo.

Maya, ‘nak, buti na lang madaming nagmamahal at nagmamalasakit sa yo kahit malayo kami sa yo ni Kute at ni Cho.  Si Emman, si Manang Fe, at siyempre si Richard at buong pamilya niya.  Alam mo ‘nak talagang nakakatuwa yung mapapangasawa mo kasi alagang-alaga ka niya.  Halos dito na siya naglalagi sa ospital para lang masamahan ka at makasiguro na okay ka lang.  Diba sabi ko nga sa yo kanina, kung hindi ka nga lang maysakit ngayon eh sigurado akong kinikilig ka na. Ay ‘nak, oo nga pala ‘no? Kilig na kilig ka na nga pala. Haha.

Alam mo, nak, nang magkausap kami ni Manang Fe kanina, nasabi ko nga sa kanya na bilib din ako kay Richard. Matatag na tao. Kayang-kaya niya ang mga nangyayari ngayon.  Pero nagulat ako sa isinagot sa kin ni Manang Fe. May mga takot din pala si Richard. Ayaw lang niyang magpahalata pero nahihirapan rin pala siya.  Alam ko nag-aalala ka rin para sa kanya at sa mga anak niya.  Pero wag mo munang isipin yun anak. Ang importante eh magpagaling ka muna ha, Maya, at para na rin mabalikan nyo na ni Richard ang pag-aasikaso sa kasal nyo at pag-renovate ng bahay niyo.  Alam kong hindi mo hahayaan na may mangyari sa yo lalo na’t hinihintay kang gumaling ng mag-aama mo.  Nak, paggaling ka ha. Kahit para hindi na kay Nanay.  Para kay Richard, at kay Luke, Nikki at Abby. Paggaling ka, ‘nak ha. Mahal na mahal ka ni Nanay!

*******

Nak, mabuti naman at nakalabas ka na ng ICU.  Kahit may gumugulo sa isip ko ngayon, panatag na ako na okay ka na.  Nagkausap na rin kami nina Cho at Cristina Rose. Hindi ko na sila pinatuloy na magpunta dito dahil okay ka na naman. Mag-usap na lang kayong dalawa mamaya sa cell phone.

Maya, ‘nak, naalala mo ba yung tanong ko sa yo tungkol sa Tatay mo?      Kung sakali bang mabigyan ka ulit ng pagkakataon na makita mo ulit ang Tatay mo, gugustuhin mo ba?  Bago mo pa sabihin ang sagot sa akin, alam ko na naman kung anong isasagot mo, eh.  Oo.  Kilalang-kilala kita, Maya.   Alam mo ‘nak, sa matagal na panahon na hinintay ko ang pagbabalik  ng Tatay mo, akala ko yan din ang magiging sagot ko sa sarili ko.  Oo. Hindi pala.  Hindi ko inakala na ng magkaharap kami kanina, matinding galit at poot ang nangibabaw sa akin.  Galit na galit ako sa Tatay mo. Kulang na lang eh isumbat ko sa kanya ang labinlimang taong pagkawala at pangungulila natin sa kanya.  Alam kong gusto mo siyang makita at gusto mong malaman kung bakit siya naglaho na parang bula sa buhay natin.  Ako, Maya ‘nak, ayoko na.  Isa lang naman ang sagot dun, diba?  May iba na siyang mahal.

Hindi mo pa alam ang mga kaganapang ito kasi ayaw ka namin pareho ni Richard mabigla sa malalaman mo, pero pasensya  ka na ‘nak kung nasigawan ko si Richard dahil dito.  (Mukhang kilalang-kilala ka rin talaga ng mamanugangin ko. Alam niya kung ano ang tunay na magpapasaya sa yo.).  Si Richard kasi ang nagpahanap sa Tatay mo.  Alam ko namang mahal na mahal ka ni Richard kaya naiintindihan ko yung ginawa niya para sa yo.  Naramdaman ko rin naman ang pangungulila mo sa Tatay mo nung nag-usap tayo at kahit dati pa.  Alam kong tama ang ginawa ni Richard na ipahanap ang Tatay mo para mapasaya ka.  Wag mo akong alalahanin, nak.  Yung sa amin ng Tatay mo, iba naman yun. Kung anumang nararamdaman ko sa Tatay mo, di ka dapat damay dun.  Karapatan mong malaman ang totoo. ‘Nak, karapatan mong makita ang Tatay mo.   Kung gusto mong magkausap kayo ng Tatay mo, okay lang sa kin yun, ‘nak. Tatay mo pa rin naman siya.  Maya, sige na. Makipagkita ka na sa Tatay mo.  Kung anuman ang magiging desisyon mo, susuportahan kita, ‘nak.  Nagkausap na rin kami ni Richard at ang hiling ko lang sa kanya eh maintindihan niya ang nararamdaman ko.

Hanggang dito na lang muna, ‘nak. Iiwan ko na lang muna itong sulat na ito kay Richard at ipapabigay ko sa iyo matapos niyang ipaalam sa yo ang tungkol sa pagpapahanap niya sa Tatay mo.

Hindi ko alam kung anong itatakbo ng usapan ninyo ng Tatay mo, ‘nak, pero sana lang makuha mo lahat ng sagot sa tanong mo at maibsan kahit konti ang labinlimang taon mong pangungulila sa kanya.  Hindi man kami maging okay ng Tatay mo, ipagdarasal ko pa rin na sana makakuha ka ng liwanag at kapayapaan sa muli ninyong pagtatagpo ng Tatay mo.

‘Nak, mahal na mahal ka ni Nanay ha.  Alagaan mong mabuti ang sarili mo parati. Wag kang magpapagod o magpapagutom.  Magpahinga ka at matulog ng sapat.

At ipaabot mo na rin kay Richard ang lubos kong pasasalamat sa pag-aalaga at lubos na pagmamahal niya sa yo.  Patuloy kong ipagdarasal na iligtas kayo ni Richard at ang buong pamilya niyo sa kahit anumang panganib.

Masaya ako, anak, na sa lalong madaling panahon eh magpapakasal ka na sa lalaking pinakamamahal mo.  Sandali na lang, eh magiging Mrs. Maya Dela Rosa Lim ka na, anak.  Mrs. Maya Lim!  Mrs. Lim!  Kinikilig  ka na ba ulit, Maya?   Wala man si Mamang mo, nakasisiguro ako na patuloy pa rin ang kakiligan niya sa pagkekwento sa langit kung gaano siya kasaya dahil makakapangasawa ang apo niya ng isang lalaking lubos ang pagmamahal sa kanya at sa buong pamilya niya. At sabi nga ni Nanay, isang lalaking ubod ng gwapo at bango! Haha!  Pag naaalala ko talaga si Nanay at ang pagkakakilig niya sa mamanugangin ko, e napapangiti ako!

Mahal kita, ‘nak.  Nandito lang si Nanay ha. Wag na wag kang mag-aatubiling tawagan ako kahit anumang kwento o problema ang gusto mong ibahagi.

Mahal na mahal kita.  Harinawa’y patnubayan ka lagi ng Poong Maykapal.  I love you, ‘nak!

Love,
Nanay

(Written: 14 October 2013) 

*******

Allow me to give credit to BCWMH TV show’s brilliant writers as some lines and scenes from this letter were taken from the series. Thank you.

15 thoughts on “Letters (17): From Nanay with Love

  1. i hope i can hear from Kute’s POV , iamgarie..she’s been to so much pain based on the episode today while washing the dishes..nakakautwa sila ng nanay tere kung papaano nila itago yung emotions yet evident to their actions and their eyes…haisst ..kakakalungkot…thanks for another great write up…im a fan of you,princemackaroo,nycleon,hannah,ricci and fleetingnote ..keep it up guys!

  2. Pingback: Letters (18): From Kute with Love | Excess Baggage

  3. Pingback: Why Maya is the One – Part 2 | Excess Baggage

Whatcha think?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s